Masayang magcommute galing unibersidad sa Taft. Bago sumakay ng jeep hinanap
ko uli si Manong.
"Manong pabili pong mais"
Swerte ko at may natira, sampung piso lang solb ka na sa laki
ng nilagang mais.
Sumakay na ko byaheng Quiapo, may bibilhin ako eh. Ayoko
kasi ng panyo,sa tindi ng sikat ng araw mapipiga mo ang pawis sa panyo. Gusto
ko ng mini-twalya. Hindi ito twalya, hindi rin bimpo, mas maliit ito sa
Good Morning towel. Maraming kulay na pagpipilian- lila, asul, dilaw,
puti, pink.
Paborito kong bilhan sila Manang na may hawak na mga bilao
ng mini-twalya. Sampung piso isa. Balak kong makumpleto lahat ng kulay, pero
hindi pa kasya ang pera ko. Isa pa lang ang nasa koleksyon ko-puti.
Madali kong nakita ang mga nagtitinda. Meron na akong LILA at DILAW. Masaya na ko. Sumakay na ako ng jeep pa-Malanday.
Kumpara sa LRT, sa jeep pwede kang umidlip-yun talaga ang
balak ko, malayu-layo din kasi ang Quiapo sa Karuhatan, kaya iidlip ako sa
byahe.
Kanya-kanyang buhay sa loob. Katabi ko sa kaliwa malapit sa
estribo- aleng may kandong-kandong na anak. Sa kanan naman ay isa uli aleng malayo ang tingin.
Habang binabagtas namin ang ma-traffic na daan sa Sta.Cruz,
bigla nalang may parang kung anong likido ang tumapon sa sapatos ko. Napapitlag
ako.